VP Binay ipinapatigil kay PNoy ang DOJ probe
MANILA, Philippines - Tinangka umanong ipatigil ni Vice Pres. Jejomar Binay kay Pangulong Aquino ang imbestigasyon laban sa kanya ng Department of Justice (DOJ) at National Bureau of Investigation (NBI).
Inihayag ni Sen. Antonio Trillanes sa panayam ng Radio DWIZ na hiniling ni Binay sa Pangulo na huwag paimbestigahan ang mga ibinibintang sa kanyang ill-gotten wealth.
Ayon kay Trillanes, hiningi ni Binay ang tulong ni Communications Secretary Sonny Coloma para makausap ng personal ang Pangulo.
Pero ayon kay Trillanes, nabigo si Binay sa kanyang kahilingan kay PNoy.
Matatandaan na ipinag-utos ni Justice Sec. Leila de Lima sa NBI na imbestigahan ang sinasabing katiwalian sa Makati City at ang umano’y pagkakasangkot ng pamilya Binay sa “overpriced” Makati Parking building.
Si Coloma, na naging supporter ng “NoyBi” faction noong Mayo 2010 presidential election ang nagsulong umano para magkaroon ng meeting.
Ang “NoyBi” ay binuo ng mga supporters nina Aquino at Binay na hindi pabor sa natalong vice-presidential candidate na si DILG Sec. Mar Roxas.
- Latest