MANILA, Philippines - Iginiit kahapon ni Archbishop Oscar Cruz na isang malaking pagkakamali na ipa-impeach si Vice-President Jejomar Binay.
Ito ang paniniwala ni Lingayen-Dagupan Archbishop Emeritus Oscar Cruz sakaling ituloy ng mga kaalyado ni Pangulong Benigno Aquino III ang kanilang balak na impeachment laban kay VP Binay.
Aniya, posibleng makuha muli ni Binay ang simpatya ng publiko kung isasalang ito sa impeachment proceedings.
“Huwag silang magkamaling gawin yan, impeach ang bise presidente, lalong sisikat yan, politically it is a wrong move”, wika pa ni Cruz.
Aniya, bagama’t bumaba ang rating ni Binay sa survey ng isangkot sa overpriced Makati carpark building at ang pagkakaungkat ng Hacienda Binay sa Batangas ay tiyak na muling aangat ang popularidad nito.
Naniniwala ang Arsobispo na ang impeachment sa ngayon ay hindi na isang ethical process kundi pulitika process lalo pat ang pagdedesisyon sa kaso ay base sa dami ng iyong kaalyado sa halip na pagbatayan ang bigat ng mga akusasyon.