MANILA, Philippines – Hinukay na ng mga bandidong Abu Sayyaf ang paglilibingan sa isa sa mag-asawang Aleman na bihag ng mga ito sa Sulu bilang ultimatum ng grupo sa P250 M ransom na kung hindi maibibigay bukas (Biyernes) ay pupugutan na ito ng ulo.
Sa panayam ng RMN Zamboanga, sinabi ng nagpakilalang Aburahmi, self proclaimed spokesman ng Abu Sayyaf, na may hanggang alas-3 ng hapon sa Oktubre 17 ang pamahalaan ng Germany at gobyernong Aquino para sagipin ang buhay ng hostage.
Kinilala ang mag-asawang Aleman na sina Stefan Viktor Okonek, 71 at Herike Diesen, 55, na binihag ng mga bandido nitong Abril habang lulan ng yate sa karagatan ng Palawan.
“Pupugutan na namin ng ulo itong bihag naming matandang lalaking Aleman (Stefan Viktor) na eto, hinukay na namin ang kaniyang libingan, hanggang alas-3 lang ng hapon sa Biyernes ang deadline namin kapag hindi naibigay ang ransom pugot ang ulo nito,” ani Aburahmi sa radio interview sa RMN Zamboanga.
“Walang pagbabago, P250 M pa rin ang ransom kung gusto nilang mabuhay pa ito at makalaya,” banta pa ni Aburahmi.
Sinabi naman ni Okonek na masyado umanong mabagal ang negosasyon pero sa kabila nito’y patuloy silang umaasang mag-asawa na tutulungan sila ng pamahalaan ng Germany at maging ng Pilipinas para sagipin ang kanilang buhay sa kamay ng mga abductors.
Kinumpirma rin ni Okonek na mahigit 24 oras na niyang hindi nakikita ang kaniyang misis matapos silang paghiwalayin ng mga kidnappers.