MANILA, Philippines – Pinayagan ng korte na makapagpiyansa ang 17 pulis na akusado ng Maguindanao massacre case dahil mahina umano ang mga ebidensiya na nagdidiin sa mga ito sa kaso.
Bunga nito, pansamantalang makakalaya mula sa kanilang kulungan sa Taguig jail ang mga akusadong sina PO1 Herich Amaba; PO3 Rasid Anton; PO2 Hernanie Decipulo; PO3 Felix Enate; PO1 Esperielito Lejarso; PO1 Narkouk Mascud; SPO1 Eduardo Ong; PO2 Saudi Pasutan; PO1 Arnulfo Soriano; PO1 Pia Kamidon; PO3 Abibudin Abdulgani; PO2 Hamad Nana; PO1 Esmael Guialal; SPO1 Oscar Donato; PO1 Abdullah Baguadatu; PO2 Saudiar Ulah at Police Insp. Michael Joy Macaraeg.
P200,000 ang inirekomendang piyansa ni Quezon City RTC Branch 21 Judge Jocelyn Solis-Reyes.
Pero dahil 58 counts ng murder ang kinahaharap ng bawat isang akusado, kailangang magbayad ng tig-P11.6 milyon ng 17 pulis para sa pansamantalang kalayaan.
Sa siyam na pahinang omnibus order na nilagdaan ni Reyes wala ni isa man sa naiprisinta at naihayag ng prosekusyon ang nag-uugnay sa naturang mga akusado sa naturang krimen.
Sa mga akusado, tanging sina Amaba at Macaraeg lamang ang nakita sa bisinidad ng Sito Masalay, Barangay Salman, Ampatuan, Maguindanao. Si Amaba ay nangangasiwa sa checkpoint operation noong panahong iyon samantalang si Macaraeg ay nakita sa naturang lugar kinahapunan nang maganap ang tinaguriang Maguindanao massacre noong November 23, 2009 kung saan umabot sa 58 ang nasawi kabilang ang 32 mamamahayag. Ang pamilya Ampatuan ang itinuturong nasa likod ng krimen.
Nilinaw naman ng korte na pinapayagan lamang ang petition for bail ng mga akusado sa anumang capital offenses tulad ng pamamaslang kapag mahina ang ebidensiya laban sa mga inaakusahan.