MANILA, Philippines – Hindi kailanman makabubuti sa bansa ang pamamalagi ng puwersa ng Amerika, patunay dito ang pagpatay sa isang transgender sa lungsod ng Olongapo, ayon sa isang international law expert.
Sinabi ng abogadong si Harry Roque kahapon na walang mabuting maidudulot ang Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) sa pagitan ng Pilipinas at Amerika.
"We should already learn from history, foreign military presence and national interest do not mix well,” komenti ni Roque.
Isa si Roque, na chairperson ng Center for International Law, sa mga kumukuwestiyon kung legal ba ang EDCA na nilagdaan ng dalawang panig nitong Abril.
Sinabi pa ni Roque na nilalabag ng EDCA ang Saligang Batas sa pagpaparami ng namamalaging puwersa ng Amerika sa bansa.
Isang US marine ang nakakulong ngayon matapos umanong patayin ang 26-anyos na transgender na si Jeffery Laude sa Olongapo City nitong Sabado.
Natagpuang patay sa loob ng isang paupahang kuwarto ng Celzone Lodge si Laude kung saan ang suspek na si Private First Class Joseph Scott Pemberton ng US Marine Corps 2nd Batallion 9th Marines na nakatalaga sa WestPac Express ang huling nakitang kasama ng biktima.