MANILA, Philippines – Nabigo umano si Sen. Antonio Trillanes na isama sa kanyang Statement of Assets, Liabilities and Networth ang mga mamahalin niyang sasakyan noong nasa militar pa siya.
Ito ang isiniwalat ni United Nationalist Alliance Interim Secretary General Atty. JV Bautista na pumunang, 11 taon na ang nakakaraan mula nang mabunyag ito sa isang pagdinig ng buwag nang Feliciano Commission kaugnay sa nabigong Oakwood mutiny, hindi pa naipapaliwanag hanggang sa kasalukuyan ni Trillanes kung paano siya nagkaroon ng walong luxury car gayong mababa lang ang suweldo niya bilang military junior officer.
Sabi pa ni Bautista na ang mga sasakyang kinabibilangan ng dalawang Sports Utility Vehicles (SUVs), limang van at isang malaking motorsiklo ay hindi kasama sa SALN ni Trillanes noong isa pa itong Navy lieutenant second grade.
Ayon kay Bautista, ang isang junior officer na nasa ranggong tulad ng kay Trillanes nang panahong iyon ay sumasahod lang ng P22,000.
Pero, batay umano sa rekord ng Land Transportation Office (LTO) na isinumite sa Feliciano Commission hearings noong 2003, si Trillanes ang rehistradong may-ari ng isang Nissan Terrano, Mitsubishi Pajero, limang Mitsubishi Delica vans, at isang motorsiklo.
Samantala sa isang pahayag, pinabulaanan naman ni Trillanes ang bintang ng UNA na nagkaroon siya ng 8 luxury cars at hindi idineklara sa kanyang SALN.
Sinabi ni Trillanes na dinismis ang nasabing kaso dahil ang mga dokumentong isinumite umano ng CIDG para suportahan ang kanilang alegasyon ay peke.
Hindi rin aniya siya nagkaroon ng isang Kawasaki motorbike at hindi siya marunong mag-motorsiklo.