MANILA, Philippines – Inilabas na ng Philippine National Police ngayong Martes ang pangalan ng US Marine na suspek sa pagpatay sa isang transgender sa lungsod ng Olongapo.
Sa inilabas na memorandum ng PNP, kinilala ang Amerikanong sundalo na si Private First Class Joseph Scott Pemberton ng US Marine Corps 2nd Batallion 9th Marines na nakatalaga sa WestPac Express.
Positibong kinilala ang suspek ng testigong si Mark Clarence Gelviro sa pamamagitan ng line-up process na isinaayos ng Naval Criminal Investigative Service (NCIS).
Nahaharap sa kasong murder si Pemberton sa pagpatay kay Jennifer Laude, 26, nitong Sabado sa Room1 ng Celzone Lodge sa Magsaysay Boulevard sa Olongapo City.
Ayon sa mga ulat, nagkakilala ang dalawa sa isang bar sa Subic bago dumiretso sa isang motel.
Patay na si Laude nang matagpuan sa loob ng banyo ng kwarto, habang si Pemberton ang huling nakitang lumabas ng inupahang silid.
Nakakulong ngayon si Pemberton sa USS Peleliu na dumaong sa bansa nitong nakaraang linggo para sa Philippines-U.S. Amphibious Landing Exercise o PHIBLEX 15, isang taunang bilateral training event.
"The United States will continue to fully cooperate with Philippine law enforcement authorities in every aspect of the investigation," pahayag ng embahada ng Amerika sa Pilipinas.