MANILA, Philippines — Ikinulong mismo ng US Navy ang kanilang tauhan matapos ang umano'y pagpatay sa isang transgender sa Pampanga nitong nakaraang linggo, ayon sa isang ulat.
Sinabi ng Marine Corps Time na base sa US Navy memo ay inaresto ang isang tauhan nila kahapon matapos matagpuan ang wala nang buhay na katawan ng biktima nitong Sabado sa loob ng isang kwarto sa Celzone Lodge.
Nakakulong ang hindi pinangalanang marino sa loob ng amphibious assault ship na Peleliu, dagdag ng ulat.
Tumulong na rin ang Naval Criminal Investigative Service sa imbestigasyon sa marino na miyembro ng 2nd Battalion, 9th Marines from Camp Lejeune, North Carolina.
Bukod sa suspek, dalawang tauhan din ng US Navy ang hawak nila sinasabing maaaring maging testigo sa kaso.
Bago pa maaresto ang suspek ay hinala na ng mga awtoridad sa Pilipinas na isang dayuhan ang nasa likod ng pagpatay sa biktima.
Dumaong sa Pampanga nitong nakaraang linggo ang Peleliu para sa Philippines-U.S. Amphibious Landing Exercise o PHIBLEX 15, iang taunang bilateral training event.