MANILA, Philippines - Sampung biktima ng bagyong Yolanda noong nakaraang taon ang magkakaroon na ng tsansang makapagtapos ng kolehiyo nang walang babayarang matrikula.
Ito ay dahil pinagkalooban sila ng pamahalaang lunsod ng Makati ng full scholarship sa pamamagitan ng Makati Consortium for Educational Scholars (MACES) ng University of Makati (UMAK).
Sa utos ni Makati Mayor Jejomar Erwin Binay, tinanggap ng mga opisyal ng Makati noong nakaraang taon ang emergency transferees mula sa mga lugar na sinalanta ni Yolanda.
Binigyan sila ng full scholarship nang hindi na hiningan ng transfer credential makaraang wasakin ng bagyo ang kanilang mga bahay at paaralan.
Sa kasalukuyan, naka-enrol ang mga estudyanteng ito bilang mga iskolar ng UMAK.
Para sa unang semester ng school year 2014-2015, kabilang sa 10 benepisyaryo ng special scholarship program ang pito mula sa Leyte at tatlo mula sa Samar.
Kasama sa mga iskolar mula Leyte sina Ralph Dominic W. Noya, 3rd year, Bachelor of Science in Hotel and Restaurant Management; May Ann C. Dima-angay, 3rd year, BS in Education major in early childhood education; Cristina C. Dima-angay, 4th year, BS in education major in filipino; Verge John E. Lantajo, 3rd year, BS in management accounting; Elizabeth C. Quintua, 3rd year, BS in accountancy; Pearl Ruby C. Cerro, 3rd year, BS in hotel and restaurant management; at Mark Dranreb V. Cerro, 2nd year, BS in hotel and restaurant management.
Mula sa Samar naman ang mga iskolar na sina Ma. Shaira Syquina Kaye J. Astorga, 3rd year, BS in secondary education major in technology and livelihood education; Kurt Kevin J. Astorga, 4th year, BS in education major in mathematics; at Krichelle Mae A. Montallana, 3rd year, BS in psychology.
May 1,419 scholars ang nasa MACES scholarship programs.
Bukod sa typhoon victims, benepisyaryo rin ng MACES special scholarship ang mga empleyado at public school teachers.