MANILA, Philippines – Isusulong na sa Senado ang panukalang batas na naglalayong palawakin ang mga benepisyong nakukuha ng mga senior citizens sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng libreng sakay tuwing holidays sa Metro Rail Transit (MRT), Light Rail Transit (LRT) at sa Philippine National Railway (PNR).
Balak ni Senator Aquilino “Koko” Pimentel III na maamiyendahan ang Expanded Senior Citizens Act of 2010 na nagbibigay ng benepisyo sa mga senior citizens, kabilang na ang 20 porsiyentong discount mula sa value-added tax sa mga goods at services ng iba’t-ibang establisimiyento sa bansa.
Ayon kay Pimentel, dapat maging libre na sa mga senior citizens ang pagsakay sa MRT, LRT at PNR tuwing holidays bilang pagkilala na rin sa naiambag nila sa lipunan.