MANILA, Philippines – Inindorso ng House of Representatives committee on higher and technical education ang isang panukalang-batas na nagtatadhana na isasama sa college curriculum bilang elective subject ang Moro history, culture and identity studies.
Sinabi ng tagapangulo ng komite na si Pasig Rep. Roman Romulo na napapanahon ang pagpapatibay ng kanyang komite sa House Bill 4832 lalo na at sinisikap ng administrasyon na matamo ang kapayapaan sa Mindanao sa pamamagitan ng pagtatatag sa isang Bangsamoro regional entity.
Ipinaliwanag ni Romulo na, kung ituturo sa kolehiyo ang subject na merong kinalaman sa Moro, mahihikayat dito ang pagkilala sa ambag ng mamamayang Moro sa kasaysayan ng bansa.
Ang bill na inakda ni Lanao del Sur Congressman at House Deputy Speaker Pangalian Balindong ay nag-aatas sa lahat ng mga kolehiyo at pamantasan na ituro sa mga estudyante ang Moro history, culture and identity studies bilang elective subject.
Itatampok dito ang positibong relasyon ng mga Muslim at Kristiyano kabilang ang kanilang iisang pinagmulan at iba pang punto ng kanilang pagkakatulad bago pa dumating sa bansa ang Islam at Kristiyanismo.
Kabilang sa elective subject sa ilalim ng naturang panukalang-batas ang pag-unawa sa problema sa Mindanao at Moro problem at ang ugat ng mga tunggalian at ang epekto nito sa ibang bahagi ng bansa. Pag-uukulan dito ng pansin ang kasaysayan ng mga Muslim at ang pagkilala sa iba’t-ibang kultura at ethnic identities.