Public hearings sa emergency powers aprub sa Malacañang

MANILA, Philippines – Hindi tutol ang Malacañang sa nais ng ilang mambabatas na tutol sa pagbibigay ng emergency powers kay Pangulong Benigno Aquino III na magsagawa ng public hearings ukol sa isyu.

Ayon kay Deputy Pre­sidential Spokesperson Abigail Valte, dara­ting naman ang sinumang opis­yal ng Executive branch sakaling ipatawag sila sa anumang public hearings.

“Kami po, ‘pag ipinatawag po ang mga kawani ng pamahalaan, darating po kami. Wala naman pong problema ‘yon,” ani Valte.

Aminado si Valte na may kapangyarihan ang mga miyembro ng Kongreso na magpatawag ng mga resource persons sa mga isinasagawa nilang pagdinig.

Tiniyak ni Valte na hindi iisnabin ang anumang hearing lalo pa’t ang Malacañang ang humihingi ng karagdagang kapangyarihan sa Pangulo bilang paghahanda sa nakaambang krisis sa kakulangan sa kuryente sa summer ng 2015.

“Kasi sila po ‘yung ano e, sila naman po ‘yung may kapangyarihang magpatawag ‘nung hearing—ng public hearing po na ‘yan—and we’ve always, ano, we’ve always accepted their invitations to act as resource speakers, especially now that tayo po ‘yung humingi ‘nung emergency po­wers,” ani Valte.

Samantala, kinontra ni Valte ang pahayag ng oposisyon na gagamitin lamang ang emergency powers upang mapakialaman ng Malacañang ang Malampaya funds.

Sinabi ni Valte na hindi logical conclusion ang nasabing pahayag dahil nakasaad naman sa batas kung saan lamang dapat gamitin ang nasabing pondo.

Tiniyak din ni Valte na naaayon sa sinasabi ng batas ang gingawang paggastos ng gobyerno sa Malampaya funds.

Show comments