MANILA, Philippines - Kinontra ng kampo ni Vice President Jejomar Binay ang alegasyon ni dating Makati Vice Mayor Ernesto Mercado hinggil sa 350 hektaryang lupa at ari-arian ng bise presidente sa Batangas na tinawag na “Hacienda Binay”.
Ayon kay Cavite Governor Jonvic Remulla, Vice Presidential Spokesman for Political Concerns, isang “amateurish attempt” ang ginawa ni Mercado na gayahin ang pagbubunyag na isinagawa kamakailan sa ari-arian ni PNP chief Alan Purisima sa Nueva Ecija na hindi na ipinagtataka ng mga Binay.
“Ipinakita ng mga kalaban ang isang aerial video ng sinasabing ari-arian, isang bagitong pagtatangkang gayahin ang ‘Purisima expose.’ Binura sa pagdinig ngayon sa Senado ang pagdududa na para sa paggawa ng batas ang imbestigasyon sa Makati City Hall Building 2.”
Nauna rito, isiniwalat ng Office of the Vice President na namataan ng mga empleyado ng isang babuyan at flower farm na umuupa sa isang property sa Rosario ang isang helicopter na lumilipad sa tapat ng ari-arian noong Huwebes.
Sinabi ng OVP na, batay sa rekord, ang lessor ng property ay ang Sunchamp Real Estate Development Corp. na operator ng Sunchamp Agri-Tourism Park.
Iginiit ni Vice Presidential legal counsel Atty. Martin Subido na inuupahan (lease) lang at hindi pag-aari ni Binay ang property sa Rosario para sa JCB farms.
Idiniin ni Subido na hindi kailanman itinatanggi ni Binay na pag-aari nito ang JCB Farms na idineklara sa Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN) nito.
“Mula 1994 hanggang 2010, pinamamahalaan ng Bise Presidente ang negosyong hayupan sa Rosario, Batangas. Solong pag-aari ito na nakatala sa kanyang SALN at sa kanyang ITR,” sabi pa ni Subido.
Ayon kay Subido, ibinenta ni Binay noong 2010 ang farm sa Agrifortuna, Inc., na pag-aari ni Laureano Gregorio. Sina Binay at ang kanyang asawa ay naging incorporators ng Agrifortuna para sa paid up capital na P50,000 pero ibinenta nila ang kanilang shares kay Gregorio noong 1995.