MANILA, Philippines – Iginiit ngayong Miyerkules ng isang dating opisyal ng lungsod ng Makati na mayroon 350 hektaryang lupa sa Batangas si Bise-Presidente Jejomar Binay.
Sa muling pagsalang ni dating Makati Vice Mayor Ernesto Mercado sa imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon subcommittee ay ipinakita niya ang mga larawan ng “Hacienda Binay” sa Rosario, Batangas.
Sinabi ni Mercado na sa ganda ng hacienda na kasinglaki ng anim na Luneta Park, 10 Cubao o Araneta Center sa lungsod ng Quezon, kalahati ng lungsod ng San Juan ay hindi aakalain na sa Batangas lamang ito.
Kaugnay na balita: Pamilyang Binay sumuko na - Trillanes
"Kung hindi ko po siguro sinasabing sa Batangas 'yan ay hindi niyo po iisipin na dito sa Pilipinas 'yan," wika ni Mercado tungkol sa ipinakitang larawan.
Aniya P1.2 bilyon ang halaga ng Hacienda, kung saan umaabot sa P4 milyon ang buwanang maintenance at operation cost.
Mayroon resort pool, 40-car garage, staff house, man-made lagoons, 20 air-conditioned piggery house, horse ranch ang umano'y mansion ng mga Binay.
"Mataas ang pangarap ng ating mayora dahil ang feeling yata ay magiging first lady na siya ng Pilipinas sa darating na halalan," dagdag niya tungkol kay dating Makati Mayor Elenita Binay, asawa ng ngayo'y bise-presidente.
Kaugnay na balita: 'Binay 13% ang kickback sa bawat Makati project'
"Ayaw ho kasi ni Dra. nang nakakaamoy ng mabaho at ayaw din ho ng langaw na lumilipad-lipad sa kanilang mansion," dagdag niya.
Nauna nang sinabi ng kampo ni Binay na ang Sunchamp Real Estate Development Corp., ang may-ari ng lugar na sila din ang operator ng Sunchamp Agri-Tourism Park.
Sinabi ni Joey Salgado, pinuno ng media affairs ni Binay, na tenants lamang sila ng Sunchamp park.