MANILA, Philippines – Kahit nagkakaroon na ng solusyon sa matinding congestion sa Port of Manila, iimbestigahan pa rin ng komite ni Sen. Bam Aquino ang sinasabing corruption, extortion at iba pang ilegal na aktibidad sa mga commercial harbors.
Ayon kay Aquino, tatalakayin ng Senate Committee on Trade and Commerce na kanyang pinamumunuan sa susunod na pagdinig ang mga “questionable fees” na nakakaapekto sa negosyo.
Sabi ni Aquino, naresolba na ang sinasabing congestion pero nakakatanggap pa rin sila ng reklamo tungkol sa pagre-release ng mga containers sa daungan.
Nagsagawa kahapon ng ocular inspection ang komite ni Aquino tungkol sa sinasabing congestion sa Port of Manila.
Umaabot sa P2,000, P3,000 at P4,000 ang ibinabayad per container sa bawat biyahe na ipinapasa naman sa mga consumers kaya tumataas ang halaga ng mga produkto.
Nasolusyunan ang congestion sa Port of Manila matapos tanggalin ni Manila Mayor Joseph Estrada ang truck ban sa nakaraang tatlong linggo.