MANILA, Philippines – Hiniling ng mga residente ng Makati sa Office of the Ombudsman na suspindihin si Makati Mayor Junjun Binay at ilang konsehal ng siyudad matapos umanong mapatunayan sa mga dokumentong isinumite ng mga ito ang sabwatan sa “overpriced” Makati Parking Building 2.
Sa 15-pahinang consolidated reply na isinumite kahapon sa Ombudsman, hiniling din nina Atty. Renato Bondal at Nicolas “Ching” Enciso VI, lead convenors ng United Makati Against Corruption (UMAC), na isama ang mga opisyal ng Hillmarc’s Construction Corp. sa kasong plunder na nakasampa laban kay Mayor Binay at sa ama nitong si Vice Pres. Jejomar Binay.
Ayon kay Bondal, napatunayan sa mga dokumentong hawak ngayon ng Ombudsman ang sabwatan ng mag-amang Binay sa mga konsehal, sa Hillmarc’s, sa mga opisyal ng Makati at opisyal ng Commission on Audit (COA) para patungan ang presyo ng konstruksyon ng Makati Parking Building.
Ang mga dokumentong ito, ani Bondal, ay ibinigay mismo ng mga akusado sa Ombudsman bilang pagtalima sa utos ng nasabing ahensya.
“Pinatunayan lamang nito ang aming akusasyon na may sapat na ebidensya para suspendihin ang akusado sa salang paglabag sa Plunder Law, Anti-Graft and Corrupt Practices Act, Gross Abuse of Authority at Gross Neglect of Duty,” dagdag ng abogado.