MANILA, Philippines – Nais ni Senator Edgardo Angara na mabigyan ang lahat ng estudyante sa bansa ng diskuwento sa pamasahe sa loob ng buong taon at hindi lamang sa tuwing araw na may pasok sa eskuwelahan.
Sa panukalang batas na isinusulong ni Angara, nais nitong i-institutionalize ang pagbibigay ng fare discount privilege sa lahat ng estudyante sa lahat ng uri ng transportasyon tuwing weekends, semester breaks, Christmas vacations at iba pang legal holidays.
Ayon kay Angara, sa patuloy na pagtaas ng tuition fees at iba pang basic commodities, malaking tulong para sa mga estudyante at mga magulang ang diskuwento sa pamasahe.
Sa ilalim ng Senate Bill No. 203, ang mga estudyante ay dapat bigyan ng 20 porsiyentong discount sa regular fares sa land, sea at air transport kung saan ipapakita lamang ang ID ng ini-issue ng eskuwelahan.
Paliwanag pa ni Angara na maraming estudyante ang gumagawa ng academic researches at iba pang proyekto kung weekends kaya dapat mabigyan rin sila ng diskuwento sa pamasahe.
Sa ngayon nabibigyan lamang ng discount ang mga estudyante dahil sa memorandum circular (MC 2011-04) na inilabas ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).
Pero ang nasabing discount ay para lamang sa mga land transport tuwing weekdays mula Hunyo hanggang Marso at tuwing summer classes.