MANILA, Philippines – Pinapatigil ni Sen. Juan Ponce Enrile sa Korte Suprema ang 90 days suspension na ipinataw sa kanya ng Sandiganbayan dahil sa mga kaso kaugnay ng multi-bilyong pork barrel scam.
Sa 47 pahinang petition for certiorari na inihain sa SC, hinirit ni Enrile ang temporary restraining order (TRO) o status quo ante order para sa kanyang suspension.
“Enrile should enjoy full civil and political rights,” sabay diin ding bilang co-equal branch na may umiiral na separation of powers, hindi maaaring suspendihin ng Sandiganbayan ang sinumang miyembro ng lehislatura,” nakasaad sa petisyon ni Enrile.
Katwiran ni JPE, nagpapatuloy pa ang pagdinig ng Sandiganbayan Third Division sa kanyang plunder at graft cases, at wala pa itong inilalabas na ruling.
Binigyang-diin ni Enrile na hangga’t wala pang desisyon ang Sandiganbayan, nananatili itong inosente. Hindi aniya maaring suspendihin ng anti-graft court ang isang mambabatas dahil lang sa separation of powers.
Sabi ni JPE, tanging ang Senado ang maaaring magsuspinde sa kanya.
Nitong Setyembre ipinatupad na ng Senado ang suspension order ng Sandiganbayan kay Enrile.
Naka-hospital arrest si JPE sa PNP General Hospital sa Camp Crame.