MANILA, Philippines – Posible umanong bago mag-Pasko ay maipatupad na ang dagdag pasahe sa Light Rail Transit (LRT) Line 1 at 2 at sa Metro Rail Transit (MRT 3).
Ayon kay Michael Sagcal, tagapagsalita ng Department of Transportation and Communications, pirma na lang ni DOTC Sec. Joseph Emilio Abaya at paglalathala ng abiso ang kulang para maipatupad ang naturang taas pasahe.
Una nang iginiit ng DOTC na kailangang magpatupad ng fare hike para maisaayos ang serbisyo ng mga tren.
Noong 2011 pa aniya dapat naipatupad ang dagdag-pasahe.
Sakaling maipatupad ang dagdag-pasahe ay magiging P29 na ang pamasahe mula Baclaran hanggang Roosevelt Station sa LRT-1 at P24 naman mula Santolan hanggang C.M. Recto Station sa LRT-2.
Magiging P28 naman ang pasahe mula North Avenue Station hanggang EDSA-Taft Avenue Station sa MRT-3.
Ibababa naman ang taunang subsidy ng gobyerno sa mga ito mula P12 bilyon hanggang P10 bilyon na lamang.