MANILA, Philippines - Binabaha at ordinaryo lamang ang mga materyales at kasangkapan sa inuulan ng kontrobersyang rest house ni PNP Chief Alan Purisima sa Brgy. Magpapalayok, San Leonardo, Nueva Ecija.
Ito ang nabatid kahapon matapos na pormal na payagan ni Purisima ang media tour ng 18 vehicle convoy sa kaniyang rest house upang ipakita na wala siyang itinatago.
Ang PNP Press Corps ay sinamahan ni PNP Spokesman Sr. Supt. Wilben Mayor, mga staff at ilang legal counsel ni Purisima sa nasabing rest house.
Una nang inihayag ni Purisima na ang nasabing ari-arian na nasa 4.5 hektarya ay nagkakahalaga ng P3.7 M na nabili nito sa halagang P57,000 kada hektarya noong 1998 sa panahong mura pa ang lupa sa lugar.
Sinabi naman ng mga staff ni Purisima na hindi ito maikukumpara sa mga magagarbong bahay sa mga executive villages sa Metro Manila tulad ng Corinthian Hills, Greenmeadows Subdivision sa Quezon City; Forbes Park at Dasmariñas Village sa Makati City at iba pa.
Samantalang sa loob ng rest house nito ay walang sala at diretso kusina, walang mamahaling gamit habang ordinaryo lamang ang ilang kasangkapan at materyales na ginamit dito habang ang telebisyon ay sobrang liit na hindi pa kilala ang brand.
Ang nasabing rest house ay sumusukat lamang ng 204 sq. meter na sinimulang itayo noong 2002 at ni-renovate noong 2012 matapos na bahain noong 2012. Lima ang kuwarto dito, tatlo sa ibaba at dalawa naman sa itaas.
Sinabi ni Atty. Tito Purisima, pinsan at isa sa mga legal counsel ni PNP Chief na malayo sa mga pinalulutang ng kritiko na nasa P30 hanggang P50M ang presyo ng bahay sa ordinaryong mga kasangkapan at materyales nito ay aabot lamang ito sa P5M ang presyo sa kasalukuyan.
“By inviting the media, it is my hope that some questions related to my property would be put to rest”, ang sabi ni Purisima.