Investors interesado pa rin sa Pinas

MANILA, Philippines - Sa kabila ng anunsiyo ng pamahalaan na bahagyang pagbaba sa inaprubahang negosyo sa Philippine Economic Zone Authority (PEZA) at Board of Investments (BOI) sa unang walong buwan ng taon, marami pa ring dayuhang negosyante ang interesadong mamuhunan sa bansa.

Isa sa mga ito ay ang German conglomerate na STIHL Group, na kamakailan ay napabilang sa listahan ng ecozone locators sa Pilipinas, sa layong palakasin ang posisyon nito sa Asya.

Sa pamamagitan ng sangay nitong ZAMA Precision Industry Manufacturing Philippines, Inc., pinasinayaan ng STIHL ang P2.5-bilyong manufacturing plant sa First Philippine Industrial Park (FPIP) sa Sto. Tomas, Batangas.

Inaasahang makatutulong ang pagpasok ng ZAMA na maibangon ang bahagyang pagbaba ng pangakong pamumuhunan sa pamamagitan ng 60,000 metro kuwadradong pasilidad, na sinasabing isa sa pinakama­laking puhunan ng isang kompanyang Aleman, na itotodo ang operasyon sa 2016.

Sa inilabas na dokumento ng pamahalaan sa isang economic briefing noong Lunes, nabatid na bumaba ng 1.1 porsiyento ang inaasahang mamumuhunan sa bansa, na ang malaking bahagi ay nasa elektrisidad, gas, steam at air conditioning supply industries.

Ngunit iginiit ng mga opisyal ng ZAMA  na nagtungo sa Maynila na tama ang ginawa nilang desisyon na mamuhunan sa Pilipinas.

Mismong sina PEZA Director-General Lilia B. De Lima, si Christof Weg­ner na representative ni German Ambassador to the Philippines Thomas Ossowski at iba pang matataas na opisyal ng STIHL Group ang dumalo sa pormal na paglulunsad.

Sa kanyang speech, binigyang diin  ni Dr. Bertram Kandziora, STIHL Executive Board Chairman, ang magandang klima ng pagnenegosyo sa bansa at sa malaking tulong ng iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan sa pagbibigay ng insentibo sa investors, lalo na sa PEZA, na nagpalakas pa sa hangarin nilang pumuwesto sa Pilipinas.

“Ang Pilipinas ay isang kaakit-akit na lokasyon. Isa ito sa mabilis na lumala­gong ekonomiya sa Asia-Pacific region; matatag ang sistema ng pulitika kum­para sa ibang mga bansa sa rehiyon at may matibay na sistemang pang-edukasyon kung saan Ingles ang opisyal na wika,” saad ni Kandziora.

Inaasahan na hindi lang mapapalakas ng pa­silidad ng ZAMA ang aktibidad ng negosyo kundi lilikha rin ito ng libu-libong trabaho sa  Southern Luzon area.

 

Show comments