MANILA, Philippines – Isang panibagong bagyo ang inaasahang papasok sa karagatang teritoryo ng Pilipinas matapos na mamataan sa karagatang Pasipiko.
Ayon kay Fernando Cada, weather forecaster ng Pagasa, kinategorya ng Japan Meteorology Agency ang namataang weather disturbance na isang bagyo.
Maari anyang Miyerkules o Huwebes ng susunod na linggo ito papasok sa Philippine Area of Responsibility.
Sa sandaling makapasok na ito sa bansa ay tatawaging “Ompong”, ang ika-15 bagyo ngayong taon at pangalawa sa Oktubre.
Dalawa hanggang sa tatlo pang bagyo ang inaasahang makakaapekto sa bansa ngayong buwan.
Gayunman nilinaw ni Cada na hindi na ito inaasahang magla-landfall dahil halos kasunod lamang ito ng nakaraang bagyong Neneng na papuntang timog Japan.
Pero pag-iibayuhin nito ang hanging habagat na siyang magdudulot ng mga pag-ulan sa bansa.