MANILA, Philippines – Iginiit ni Senate Majority Leader Alan Peter Cayetano na dapat ay napakinabangan sa healthcare benefits ng mga residente ng Makati City ang natuklasan ng Commission on Audit (COA) na 9,000 percent overpriced sa hospital equipments na binili ng local government.
“This means barya-barya na lang ang umaabot sa mga residente ng Makati sa laki ng overprice ayon sa COA. Lalo sanang napaganda ang mga proyekto kung walang tongpats o walang kurakot. Ang kailangan ng mga Pilipino ay mga opisyal na aaksyon nang walang korapsyon,” wika pa ni Sec. Cayetano.
Ibinunyag ni COA Commissioner Heidi Mendoza sa Senate Blue Ribbon subcommittee hearing na maraming medical equipment na binili ng Makati government sa termino ni Dra. Elenita Binay, maybahay ni Vice Pres. Jejomar Binay at nanay ni incumbent Mayor Junjun Binay, ang overpriced ng mahigit P61.2 million.
Sinabi ni Mendoza, nadiskubre ng special audit team na ang biniling medical equipment para sa Ospital ng Makati noong 2000-2001 na nagkakahalaga ng P70.56 milyon ay mayroon lamang totoong halaga na P9.31 milyon.
Ikinagulat ng COA na ang autoclave/sterilizers na binili sa P1,465,000 ay nagkakahalaga lamang ng P16,000 habang ang fetal monitoring system na P2,680,000 ay P538,000; at ang regular hospital bed na binili ng P148,000 ay may totoong presyo lamang na P9,032.76; ang ICU bed na idineklarang P545,000 ay may aktuwal na halaga lamang na P34,123.76; habang ang Orthopedics bed na binili ng P480,000 ay P24, 087.36 at ang ultrasound machine na may presyong P1,299,750 ay idineklarang binili ng P7,980,000 at ang hospital cabinet na may aktuwal na presyong P2,258 ay idineklarang binili ng P17,850.
Ayon sa kampo ng mga Binay ang nasabing isyu tungkol sa diumano’y overpricing ng medical equipment na ginamit sa Ospital ng Makati ay nabigyan nang solusyon ng korte at binalewala ang mga paratang kay Dr. Binay noong siya pa ang alkalde ng nasabing lugar.
“Ang serbisyong pinangako nila sa bayan ay dapat hindi nauuwi sa nakaw na yaman,” wika pa ni Cayetano kasabay ng hamon kay VP Binay na isumite ang kanyang statements of assets, liabilities and net worth (SALNs) at pumayag na gisahin siya ng Blue Ribbon committee ng Senado.
Wika pa ng senador, ang residente ng Makati City ang naging biktima ng talamak na ‘corruption’ sa ilalim ng liderato ng pamilya Binay.
“Panahon na ng pagbabago. Hindi katanggap-tanggap ang maling pamamalakad sa Makati. Hindi dapat nakukuntento sa barya o pa-tingi-tingi ang mga residente dito,” dagdag ni Cayetano.