MANILA, Philippines - Tinutulan ng Catholic Bishops Conference of the Philippines-Episcopal Commission on Public Affairs ang nilulutong tax sa text ng gobyerno.
Ayon kay Rev Fr. Jerome Secillano, executive secretary ng komisyon, sa halip na isulong ang pagbubuwis sa text messaging, mas dapat munang tingnan ng pamahalaan ang kanilang pagiging inefficiency hinggil sa pangongolekta ng iba’t ibang buwis at kung saan napupunta ang koleksyon.
Pahayag ng pari, mas kinakailangan ipakita ng pamahalaan sa mamamayan na hindi sa iilang bulsa napupunta ang mga buwis na nakokolekta at hindi ang karagdagang pahirap na ito (tax sa text) sa mga maralita. Indikasyon lamang umano ito na hindi epektibo ang pamahalaan samantalang marami na umano ang buwis na pinagkukunan na kinabibilangan ng excise tax at road user tax.
Dapat din munang ipaliwanag ng gobyerno kung saan napupunta ang mga buwis lalo pa’t may isyu ng DAP at PDAF na kinasasangkutan ng mga mambabatas at iba pang government officials.