MANILA, Philippines - May nakitang “improper” o hindi tama ang Commission on Audit sa minadali umanong Makati City Building 2 na iniimbestigahan ng Senate Blue Ribbon Committee. Napilit kahapon ng Blue Ribbon sub-Committee na pinamumunuan ni Sen. Koko Pimentel ang kinatawan ng COA na isiwalat ang nilalaman ng preliminary audit report tungkol sa Makati City Building 2 kahit pa dapat ay confidential ito.
Sa pagdinig, inatasan ni Pimentel si COA Commissioner Jose Pavia na buksan ang selyadong envelope na naglalaman ng initial na report na ipinabasa naman kay Atty. Alexander Juliano dahil siya ang nagsagawa ng audit report. Ayon sa ulat, gumastos ang City of Makati ng P2,367,679,633.95 as of Dec. 31, 2013 para sa pagtatayo ng City Hall Parking Building.
Ang proyekto na may limang phases ay ibinigay sa nag-iisang kontraktor, ang Hillmarc’s Construction Corporation (HCC). Ayon pa sa siyam na pahinang initial evaluation ng COA, minadali umano ang pagpapatupad ng proyekto dahil wala pa itong construction plan ng i-bid out sa HCC.
Natuklasan din ng COA na ang Phase II ay maari ng gamitin pero gumastos pa ang gobyerno ng Makati City ng P793,740,601.96 para sa Phases IV at V.
Nagkaroon rin umano ng “unnecessary expenditures” para sa mobilization at demobilization para sa Phases II hanggang V na nagkakahalaga ng P14,490,856.24 dahil iisang kontraktor lamang ang gumawa ng lahat ng proyekto.