MANILA, Philippines - Punong-puno ng drama at walang saysay ang testimonya umano ni Commission on Audit Commissioner Heidi Mendoza kaugnay sa overpricing sa pagpapatayo sa Building 2 ng Makati City Hall.
Ito ang paratang ni United Nationalist Alliance Secretary-General JV Bautista bilang pahayag sa pagpapatuloy sa pagdinig ng Senado sa naturang usapin.
Ipinaalala ni Bautista na nagbigay si Mendoza ng testimonya sa isang kaso noong 2011 na nasa korte na. Lumalabag ito sa subjudice rule at sa karapatan ni dating Makati Mayor Elenita Binay na iniapela ang muling pagsasampa ng Ombudsman ng kaso sa Supreme Court.
Binanggit ni Bautista na pinawalang-sala ng Ombudsman si Gng. Binay noong 2011 pero, dahil sa motion for reconsideration ng ibang akusado, biglang isinampang muli ng Ombudsman ang kaso noong 2014 at isinama si Gng. Binay kahit final at executory na ang pagkakabasura ng kaso noon.
“Nais naming idiin na dinismis na ng Sandiganbayan ang kahalintulad na kaso laban kay Gng. Binay makaraang mapatunayan ng korte na nilabag ni Mendoza ang patakaran ng COA sa hindi paggamit ng kahalintulad na item para patunayan ang ibinibintang nitong overpricing,” sabi pa ni Bautista sa kanyang pahayag.
Hindi anya maikakaila ni Mendoza na naglabas ito ng pahayag laban kay Vice President Jejomar Binay at sa pamilya nito at hindi siya maaaring maging patas at parehas na auditor ng mga proyekto sa Makati.
Bukod dito, ayon kay Bautista, ang mga pahayag ni Mendoza ay nagbibigay ng pagkabalido sa aming pahayag na ang grupo ni (dating Vice Mayor) Ernesto Mercado ang nasa likod ng mga iregularidad sa Makati.
Idinagdag pa ni Bautista na muling ipinakita ng mga senador na meron silang kinikilingan nang pilitin nila ang kinatawan ng COA na ibunyag ang preliminary finding ng kanilang special audit sa Makati Building 2. Confidential ang ganitong report dahil hindi nabigyan ang pagkakataon ang Makati na sagutin ang mga ito.