Libu-libong turista dagsa sa Mayon
LEGAZPI CITY, Philippines --Nasa 44 evacuation centers at ligtas na sa panganib ang mga nakatira sa paligid ng Mayon Vocano ngunit patuloy na tampok sa balita ang pag-aalboroto ng bulkan at lumilitaw itong pinakamalaking 2014 ‘touristic event’ ng bansa.
Ipinaliwanag ng Phivolcs na nalalapit na ang pagsabog o ‘Vulcanian-Stromolian eruption ng Mayon dahil sa malaking ‘lava dome’ na naipon na sa bunganga nito. At habang naghihintay ang pagsabog, dumadagsa naman ang libu-libong mga turista sa lalawigan.
Ayon kay Albay Gov. Joey Salceda, hindi nila isinusulong ang ‘disaster tourism’ ngunit habang naghihintay ang pagsabog ng bulkan, baha naman ang dagsa mga turista sa Albay.
Pinuna ni Salceda na malimit ay nakakaharang ang mga turista sa kanilang operasyon, “ngunit hindi naman sila pwedeng hadlangan na saksihan ang pagsabog ng pinakamagandang bulkan sa mundo na hindi naman araw-araw na pangyayari.” Nagagandahan silang panuorin ang dumadaloy na lava at ibang nagbabagang material sa timog-silangang bahagi ng Mayon.
Patuloy ang dagsa ng mga turista dito, sakay ng bus at eroplano na lumalapag sa Legazpi Domestic Airport na 18 kilometro at ligtas naman sa pagsabog ng bulkan.
- Latest