MANILA, Philippines - Kinondena ni Manila 3rd District Councilor Bernardito Ang ang pahayag ng pangulo ng Historical Conservation Society of the Philippine (HCSP) na pinayagan umanong gibain ang Admiral hotel dahil na rin sa pagiging gahaman ng Manila City hall at ng developer nito.
Sa kanyang privilege speech, sinabi ni Ang na tila hindi umano alam ni HCSP President Ivan Henares na walang historical significance ang Admiral hotel batay na rin sa pahayag ng National Historical Commission.
Bukod dito, nalalagay din sa peligro ang buhay ng publiko kung saan ayon sa pag-aaral ng mga eksperto hindi na matibay ang istruktura ng gusali.
Nakakalungkot lamang na hindi man lamang naglaan ng panahon ang HCSP upang tanungin ang NHC hinggil sa katayuan ng nasabing hotel samantalang may access naman ang mga ito upang alamin lalo pa’t may kinalaman sa mga historical structures ang pinag-uusapan.
Aniya, tila isinisisi rin sa kasalukuyang administrasyon ang mga iba’t ibang isyu kabilang na ang Torre De Manila, pagtatanggal ng Anda Circle at paggiba ng lumang Meralco Building. Nais lamang ng city government na ayusin ang lungsod at gibain na ang mga delikadong gusali ayon na rin sa isinagawang inspeksiyon ng mga eksperto.