Purisima hindi pa rin pipiliting magbakasyon

MANILA, Philippines - Hindi pa rin pipilitin ng Malacañang na magbakas­yon o maagang magretiro si PNP chief Alan Purisima matapos umani ito ng negatibong reaksyon sa mga mambabatas ng humarap sa Senado kamakalawa.

Sinabi ni Presidential Spokesman Edwin Lacierda, ipinauubaya na lamang ng Palasyo ang desisyong ito kay Gen. Purisima kung nais nitong boluntaryong magbakasyon sa puwesto.

Nasa paghuhusga na rin ng Civil Service Com­mission (CSC) kung mayroong nalabag si Purisima na regulasyon sa isinumite nitong Statement of Assets­, Liabilities and Network (SALN) na kinuwestyon ng mga senador.

Ipinagtanggol pa ni Lacierda ang PNP chief at sinabing wala namang itinago si Purisima sa kanyang SALN tulad ng kinukuwestyong property nito sa San Leonardo, Nueva Ecija at ilang mga sasakyan.

“Ang isyu dito – meron ba siyang properties na hindi nilagay sa SALN? It’s all in the SALN...The issue on the property in San Leonardo, Nueva Ecija is in the SALN. The vehicles were also in the SALN...He answered based on his SALN...He testified truthfully as to his properties,” sabi ni Lacierda.

Hindi naman sumagot si Lacierda nang hingan ng komento kung hindi ba itinuturing na luho ang pagkakaroon ni Purisima ng 4.7 hectare property sa Nueva Ecija bukod sa mga mama­haling SUVs at ang tinanggap nitong donasyon na P11 milyong halaga ng White House sa Camp Crame na official residence ng PNP chief.

Kumbinsido si Sen. Grace Poe na dapat munang maghain ng kanyang leave of absence si Purisima matapos itong sampahan ng 2 plunder case sa Ombuds­man habang para kay Sen. Serge Osmeña ay dapat na itong maagang magretiro.

Show comments