3 suspek sa NAIA bombing kinasuhan na

MANILA, Philippines - Kinasuhan na sa Department of Justice (DOJ) ang tatlong suspek sa tangkang pagpapasabog sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3.

Ang kasong illegal possession of incendiary device ay inihain sa Pasay Regional Trial Court (RTC) laban kina Grandeur Guerrero, Emmanuel San Pedro at Sonny Yohanon.

Sa resolusyon na nilagdaan ni Assistant State Prosecutor Aristotle Reyes at inaprubahan ni Prose­cutor General Claro Arellano, nakitaan ng probable cause ang reklamong isinampa ng NBI-Anti Organized and Transnational Crime Division laban sa tatlo na sila umanong nasa likod ng natagpuang mga pampasabog sa loob ng nakaparadang sasakyan sa NAIA noong September 1, 2014.

Ibinasura naman ng DOJ ang kasong illegal possession of firearms dahil nabigo umano ang NBI na magsumite ng kaukulang certification na magpapatunay na ang tatlo ay hindi lisensyado na magbibit ng armas.

Wala rin umanong ebidensya na naiprisinta ang NBI na magpapatunay ng kanilang paratang na ang mga respondent ay bahagi ng grupo na nais maghasik ng karahasan sa pamamagitan ng pagpapasabog sa NAIA, Chinese Embassy, isang mall sa Pasay at gusali ng isang malaking construction company.

Una nang tinukoy ng NBI na nakatanggap sila ng intelligence information tungkol sa grupong USAFFE na nagbabalak umanong maghasik ng destabilisasyon.

 

Show comments