MANILA, Philippines - Pinaiimbestigahan ni Ang Nurse partylist Rep. Leah Paquiz ang umano’y pagpasok sa bansa ng tone-toneladang basura mula sa Canada.
Sa House Resolution 1525 ni Paquiz, pinapapakilos nito ang House Committee on Ecology upang malaman kung bakit naging tambakan ng basura ng Canada ang Pilipinas.
Pinasisiyasat din ang umano’y illegal na importasyon ng 50 container vans na naglalaman ng halo-halong basura mula sa naturang bansa.
Mahigit isang taon na mula nang makapasok sa bansa ang tone-toneladang basura ay wala pa rin nangyayari kaya nais nitong manghimasok na ang Kamara.
Nababahala ito sa panganib na dulot ng mga basura mula sa Canada sa kalusugan ng mga Pinoy. Nagdulot na rin umano ng dagdag problema sa bansa ang 50 container vans ng basurang ito dahil bukod sa nakapagpasikip ito sa pantalan ay nagdulot pa sa lugi sa gobyerno na aabot sa P60 million dahil sa storage at demurrage ng mga ito.