Haharap sa Senado bitbit ang SALN Purisima hindi magre-resign

MANILA, Philippines - Walang planong magbitiw sa puwesto si PNP Chief Alan Purisima.

Ayon kay PNP spokesman Sr. Supt. Wilben Mayor, alingasngas lamang at walang katotohanan ang kumakalat na balitang nagpaplano ng mag-resign si Purisima.

May bulung-bulungan na posibleng tularan umano ni Purisima si Budget Sec. Florencio Abad na nagsumite ng resignation letter kay PNoy pero ‘di ito tinanggap.

Iginiit ni Mayor na nanatiling mataas ang moral at suportado ng kapulisan si Purisima bilang pinuno ng PNP.

Kahapon ay muling sinampahan ng kasong plunder si Purisima ng Volunteers Against Crime and Corruption (VACC) sa Ombudsman.

Tiniyak ni Mayor na dadalo ngayong araw si Purisima sa pagdinig ng Senate Committee on Peace and Order na pinamumunuan ni Sen. Grace Poe bitbit ang kaniyang kinukuwestiyong SALN.

Kababalik lang sa bansa ni Purisima galing sa isang ‘official mission’ sa Colombia.

Matatandaan na ikinadismaya ni Poe noong nakaraang pagdinig ang hindi pagdalo ni Purisima at iminungkahi na mag-leave na muna sa kanyang tungkulin ang opisyal totoo man o hindi ang mga isyung ibinabato sa kanya upang hindi maapektuhan ang morale ng buong PNP.

 

Show comments