MANILA, Philippines - Iminungkahi na ng isang kongresista na gawin na rin sa mga manggagawa mula sa pribadong sector ang 10-hours per day, 4 days a week na trabaho.
Paliwanag ni House Metro Manila Development Committee Chairman Winston Castelo, sa ganitong paraan umano malaki ang matitipid ng mga manggagawa at magkakaroon din ng sapat na panahon sa kani-kanilang pamilya.
Bukod dito, hindi naman umano mababago ang dating 24 oras ng trabaho kada linggo sa sistemang 10/4 work week formula.
Si Castelo ang may akda ng House Bill 1378 o Four Day Work Week bill sa Kamara na inihain nito noon pang nakaraang taon.
Iginiit pa ng kongresista, tutal ay hirap ang gobyerno at mga pribadong kumpanya na bigyan ng umento ang mga empleyado ay mas mabuting gawan ng paraan na mabawasan ang araw ng trabaho para makatipid ang mga ito.
Sa tingin ni Castelo, sa 10/4 work week formula ay maaaring makatipid ang mga kawani ng gobyerno at pribadong kumpanya ng hanggang 20 porsiyento sa kanilang work expenses.
Kaya sa kabuuan ay katumbas ito ng P20 bilyon na katipiran para sa 20 milyon na manggagawa sa pribadong sector at 1.5 milyon na empleyado ng gobyerno.