Germany magtatayo sa Pinas ng P2.5 B planta

MANILA, Philippines - Itatayo sa Pilipinas ng isa sa kilalang kompanya sa Germany ang isang manufacturing plant na nagkakahalaga ng P2.5 bilyon.

Pormal na ilulunsad sa Martes ang naturang proyekto na magpapalawak sa manufacturing network ng Hong Kong-based ZAMA Corporation, isang sangay ng STIHL group ng Germany sa bansa.

Ang naturang pasilidad ay may lawak na 60,000 sq/m at ilalagay sa First Philippine Industrial Park sa Sto. Tomas, Batangas at dito na rin gagawin ang iba’t ibang produkto ng ZAMA kabilang na ang karburador para sa maliliit na makinang pinatatakbo ng gasolina na inaasahang magsisimula ang operasyon nito sa 2016.

“Sa ngayon, ito ang pinakamalaking investment at malaking kaganapan sa kasaysayan ng kompanya,” ani Dr. Bertram Kandziora, STIHL executive board chairman na sasaksihan ang groundbreaking ng proyekto sa susunod na linggo.

Personal na nakipagpulong sina ZAMA president Jan Grigor Schubert at Nikolas Stihl, chairman ng advisory board ng Stihl Holding AG & Co., kay Pangulong Noynoy Aquino upang talakayin ang bagong proyekto ng STIHL sa Pilipinas nang bumisia ito sa Europa.

Binanggit din nila sa Pangulo ang iba pang plano ng kompanya sa Pilipinas na kinilala ng German exe­cutives bilang isa sa pinakamalaking ekonomiya sa Asia-Pacific region.

Sa kanyang parte, sinabi naman ni Stihl na hanga sila sa mga hakbang ng pamahalaan ng Pilipinas para mapaganda ang sistema ng pagnenegosyo upang makaakit ng mga negosyante sa bansa.

“Tiwala kami na magiging mabunga ang aming pasya na maglagay ng negosyo sa Pilipinas,” wika pa ni Stihl.

Nakakalap ng tinatayang $2.38 bilyong investment sa Pilipinas ang pagbisita ni Aquino sa ilang bansa sa Europa, kabilang ang Germany.

Ang ZAMA ay binigyan ng pioneer status ng Philippine Economic Zone Authority (PEZA) at makikinabang sa Income Tax Holiday dahil sa kanilang pangakong pagbuhos ng puhunan sa Pilipinas. Layon ng insentibo na hikayatin ang kompanya na magbuhos ng dagdag pang investment sa bansa. 

 

Show comments