MANILA, Philippines - Ipinagbabawal ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) ang paghango, pagbebenta at pagkain ng shellfish meat tulad ng tahong, talaba at halaan na mula sa baybayin ng Alaminos, Pangasinan.
Ayon kay BFAR Chief Asis Perez, mataas ang lason ng red tide sa naturang baybayin at maaaring magkasakit tulad ng pagkakaroon ng diarrhea, pagsakit ng ulo, lagnat, pagsusuka ang mga taong makakain ng shellfish meat mula sa nabanggit na lugar.
Kaugnay nito, hiniling ng BFAR sa lokal na pamahalaan ng Alaminos na huwag payagan na maibenta sa mga palengke ang shellfish mula sa naturang baybayin.
Bawal ding kainin ang shellfish meat mula sa baybayin ng Milagros, Masbate dahil sa positibo pa rin ito sa red tide.
Ang mahuhuli namang isda, hipon, pusit at alimasag ay maaaring kainin basta’t alisin ang hasang at linising mabuti bago lutuin. (Angie dela Cruz)