MANILA, Philippines - Inaprub sa ikalawang pagbasa ng Kamara ang panukalang P2.606 trilyong national budget para sa 2015 na itinuturing na pinakamalaking budget ng pamahalaan sa kasaysayan.
Ang 10 ahensiya na may pinakamalaking pondo ay DepEd - P364 billion; DPWH - P330.5 B; Defense - P144B; DILG - P141 B; DSWD - P108 B; DOH - P102 B; DA - P88 B; DOTC - P59.463 B; DENR - P21.29 B at Judiciary - P20.28 B.
Mahigit P48 bilyon naman ang lump sum na special purpose fund kasama ang calamity fund, contingency fund at rehabilitation and reconstruction programs.
Sa 2015 budget, walang nakalagay na pork barrel pero paniwala ni Alliance of Concerned Teachers (ACT) Partylist Rep. Antonio Tinio, may nakatago umano ritong P27 bilyong pork barrel na mas mataas pa umano sa P20 bilyon ngayong 2014.
Ididiretso na ang panukala sa third reading vote pagbalik ng sesyon ng Kamara matapos ang tatlong linggo, para maiakyat sa Senado para sa deliberasyon at mapagbotohan bago maging ganap na batas. (Butch Quejada)