MANILA, Philippines – Nadagdagan pa ang bilang ng mga nasawi sa pananalasa ng bagyong “Mario” ayon sa state disaster response agency.
Sinabi ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ngayong Biyernes na 18 na ang bilang ng mga nasawi habang 16 ang sugatan matapos dumaan ang bagyo nitong nakaraang Biyernes.
Bukod sa mga nasawi at nasaktan, apat na katao pa ang pinaghahahanap ng NDRRMC.
Tinatayang higit 400,000 pamilya o halos 2 milyong katao ang naapektuhan ng bagyo mula sa 27 lalawigan sa Regions 1, 2, 3, 4-A, 4-B, 5, 7, Cordillera Administrative Region at National Capital Region.
Mula sa bilang ng mga naapektuhan ay higit 3,000 pamilya ang nananatili pa sa 81 evacuation centers.
Samantala, umabot na sa P2 bilyon ang halaga ng pinsala ng bagyo sa agrikultura at impastraktura.
Naglabas na ng halos P36 milyon ang iba't ibang ahensya ng gobyerno at non-government organizations para sa relief assistance, ayon pa sa NDRRMC.