MANILA, Philippines – Habang nagpapagaling ay muling hinayaan ng Sandiganbayan na manatili si Senador Juan Ponce Enrile sa hospital sa kabila ng kanyang kinakaharap na kasong plunder at graft kaugnay ng pork barrel scam.
Sinabi ng Third Division sa 16-pahinang desisyon na maaari pang manatili sa Philippine National Police General Hospital ang 90-anyos na si Enrile.
“Premises considered, accused Juan Ponce Enrile's motion for detention at the PNP General Hospital pending the resolution of his motion for bail is granted,” nakasaad sa desisyon.
Oras na maging maayos na ang kalagayan ng senador ay ililipat na siya sa kanyang kulungan sa Bureau of Jail Management and Penology facility.
“Until he is determined by the doctors to be physically fit for detention at the proper Bureau of Jail Management and Penology facility or until further orders from the court.”
Iginiit ng kampo ng senador na kinakailangang manatili sa hospital si Enrile dahil sa katandaan at hindi magandang kalusugan.
Dagdag nila na hindi bababa sa 19 na gamot ang inininom ni Enrile, bukod pa sa mataas na blood pressure kaya naman iginiit nila na manatili siya sa ospital.
Sinubukan itong harangin ng prosekyusyon ngunit hindi ito nagtagumpay.
Samantala, pumayag din ang Third Division na pinamumunuan ni Presiding Justice Amparo Cabotaje-Tang na magpatingin sa ibang ospital sa Enrile kung hindi kayang tugunan ng PNP General Hospital ang ibang pangangailangan ng senador.
Nilinaw din sa resolusyon na sariling gastos dapat ni Enrile ang gagamitin sa kanyang pagpapaospital.
Pansamantalang suspendido si Enrile sa senado habang dinidinig ng korte ang kanyang kaso.