Senate probe inisnab ni Mayor Binay

MANILA, Philippines -  Inisnab kahapon ni Makati City Mayor Junjun Binay ang pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee kaugnay ng umano’y overprice Makati City Hall Building 2. 

Iginiit ng abogado ni Binay na si Atty. Claro Certeza na dapat bawiin ng komite ang ipinalabas na Subpoena Ad Testificandum  laban sa mayor.

Ayon kay Certeza, paulit-ulit umanong nilalabag ng komite ang due process at nagkakaroon ng prejudgement laban sa mga Binay at iba pang opisyal ng Makati City.

Iginiit din ng abo­gado ni Binay na hindi na umano “in aid of le­gislation” ang ginagawang pagdinig.

Ang subpoena umano ay base lamang sa “bare assertion” ni dating Makati City Vice Mayor Ernesto Mercado na nag-deliver ito ng mga bags na naglalaman ng pera para kay Mayor Binay at iba pang indibiduwal.

Iginiit rin ni Certeza na walang jurisdiction ang komite na idetermina kung nagkasala o hindi ang mayor at lumabag sa Republic Act No. 3019 (Anti-Graft and Corrupt Practices Act), o Republic Act No. 7080 (Plunder Act) base lamang sa testimonya ni Mercado. 

Ilan sa mga naging dahilan ng alkalde sa hindi pagdalo sa Senado ang umano’y pananakot ng ilang senador sa testigo, pagtanggap umano ng kasinungalingan mula sa isang testigong ipinasok pa sa Witness Protection Program (WPP), pagbi­bigay ng tiwala at hindi pagpapanagot sa testigong umaming nakinabang sa proyekto, paglilihis ng usapin at panghuhusga ng ilang senador sa kanya.

Pinahiya rin umano siya nang unang dumalo sa pagdinig.

“Ngayon po nilagdaan ko ang liham o mosyon na ipapadala ko sa Senado para magalang na ipa­rating ang aking jurisdictional challenge,” sabi ni Binay.  

Ayon naman kay Ca­vite Governor Jonvic Remulla, vice presidential spokesman for political concerns, sadyang hindi dumalo si VP Binay sa pagdinig sa Senado dahil direktang naipadala na niya (Binay) ang kanyang mensahe at sagot sa sambayanang Pilipino ka­ugnay sa aniya’y walang basehan at malisyosong akusasyon.

Sinabi ni Remulla na ang Senado ay hindi tamang lugar para sagutin ang mga malisyosong akusasyon laban sa Bise Presidente at ang korte­ lamang ang mag­dedesisyon sa anumang pananagutang kriminal. (Malou Escudero/Lordeth Bonilla/Ellen Fernando)

 

Show comments