MANILA, Philippines – Walang nangyaring bidding sa lahat ng proyekto sa ilalim ng pamumuno ni dating Makati Mayor at ngayo'y Bise-Presidente Jejomar Binay, ayon sa dating konsehal ng lungsod.
Sinabi ng dating konsehal na si Ernesto Aspillaga na walang nangyaring bidding mula noong 1996 hanggang 2003 nang hinawakan niya ang Makati City general services department.
"Aaminin ko po, 'yun po ay bidding-biddingan o sinasabi nga po ay Moro-Moro bidding po," wika ni Aspillaga sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee sa umano'y overpriced na Makati City Hall II parking building.
Kaugnay na balita: Junjun Binay binalewala ang subpoena ng Senado
Dagdag niya na dati siyang miyembro ng bids and awards committee ng lungsod, kung saan siya pa ang nag-aasikaso ng mga papeles.
Aniya siya rin ang tumatanggap ng mga purchase request ni Binay na mismong ang dating alkalde ang nagsulat kung sino ang nanalo sa “bidding” at kukuning supplier sa bawat proyekto.
"Pamilyar naman po ako sa kanyang penmanship or handwriting kaya masasabi ko pong siya (Binay) ang sumulat po noon.
Kaugnay na balita: Pamilyang Binay sumuko na - Trillanes
Isiniwalat pa ni Aspillaga na ganoon din ang nangyari noong si Elenita Binay, asawa ng bise-presidente, ang umupo sa puwesto noong 1998 hanggang 2001.
Sinabi pa ng dating konsehal na nakatatanggap pa siya ng buwanang allowance na P70,000 hanggang P90,000 mula kay Binay at minsan ay naglalaro pa sa P300,000 hanggang P500,000.
Samantala, sinuportahan din ng natalo sa bidding para sa “parking building” ang pahayag ni Aspillaga.
Sinabi ni Alejandro Tengco, pinuno ng JBros Construction Corp. na hindi man lamang sila lumahok sa bidding process.