Pamilyang Binay sumuko na - Trillanes

MANILA, Philippines -- Isang pagsuko sa imbestigasyon ng Senado sa kontrobersyal na "parking building" ang nakikitang dahilan ni Senador Antonio Trillanes IV sa hindi pagdalo ni Makati City Mayor Junjun Binay ngayong Huwebes.

Sinabi ni Trillanes na nabisto na ng publiko ang pamumulsa ng pamilyang Binay ng pondo ng lungsod kaya tumanggi ang alkalde na dumalo sa imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon Committee para sa umano'y overpriced na Makati City Hall II parking building.

"'Yung mga ganyang reason nagpapakita na si Makati City Mayor Junjun Binay ay may tinatago," wika ni Trillanes sa panayam niya sa News To Go ng GMA News TV.

Dagdag ng senador na ayaw din ni Binay na madulas sa mga sasabihin na maaari pang magamit na ebidensya laban sa kanya.

Nahaharap si Binay at kanyang ama na si Bise-Presidente Jejomar Binay sa kasong plunder dahil sa umano'y overpriced na Makati City Hall II.

Sinasabing 13% sa bawat proyekto ng lungsod ang kinikita ng mga Binay.

"Napakalaki ng corruption sa Makati na pinamumunuan ng kanyang ama at ipinamana sa kanya (Junjun)," tirada ni Trillanes.

Inakusahan pa ng senador ang mag-ama na ginagamit lamang ang mga mahihirap upang kumita.

"Ang kanilang pamilya ay pinagkakakitaan ang pondo ng Makati," banat ng senador.

"Ginagamit ang mahihirap, komo tumutulong daw sila, pero barya-barya lang ang binibigay sa mahihirap ang bumabalik sa kanila ay bilyun-bilyon."

Sa huli ay sinabi ni Trillanes na tuloy ang imbestigasyon kahit wala ang mga inirereklamo.

"Kitang-kita rito ang pamilya Binay ay talagang suko na sila, nabisto na ang kanilang pangungurakot."

Show comments