MANILA, Philippines - Iginiit ng Gabriela na diborsiyo pa rin ang pinakamabisang paraan sa mga mag-asawang may problema sa pagsasama bagaman sinasabi nito na isang maliit na hakbang pasulong ang utos ng Santo Papa sa mga obispo na irepaso ang mahigpit na reglamento ng annulment o pagsasawalambisa sa kasal.
Para kay Gabriela Congresswoman Emmi de Jesus, diborsyo pa rin ang pinakamabisang paraan na dapat maging bukas sa sistemang ligal ng Pilipinas kung mapapasa ang panukalang batas ng nasabing partylist sa Kamara.
“Napakakomplikado at sobrang taas ng halagang dapat gastusin para sa annulment sa hanay ng karaniwang mag-asawang Pilipino. Ang marahang hakbang na ito ng Santo Papa patungo sa pagluwag ng annulment ay hudyat ng pagkilala sa pangangailangang bigyan ng makataong paraan lalo na ang mga kababaihang biktima ng marahas na relasyon na kumalas nang ligal at maayos sa kani-kaniyang asawa,” paliwanag ni de Jesus.
Ayon sa mambabatas ng Gabriela, hindi rin natitiyak na ang mga masasang-ayunan sa Vatican ay magbibigay daan sa pagbabago ng Famiy Code of the Philippines para maging madali ang annulment.
“Nasa atin pa rin ang kapasiyahan na isulong sa Kongreso ang House Bill 4408 para gawing bukas sa lahat ng Pilipino maging ano man ang kanilang relihiyon ang benepisyo ng diborsyo,” dagdag ni de Jesus.