MANILA, Philippines - Hindi pa man nasisimulan ang imbestigasyon kay PNP chief Alan Purisima ay inabswelto na kaagad ito ni Pangulong Aquino.
Sinabi ng Pangulo sa coffee with the media na kasama niya sa US trip, matagal na niyang kilala si Gen. Purisima simula pa noong 1987.
Ang pagkakakilala niya rito ay hindi ito matakaw at hindi ito magarbo sa kanyang pamumuhay.
Gayunman, ipinauubaya ng Malacañang kay Purisima kung magdedesisyong itong boluntaryong magbakasyon.
Sinabi ni Presidential spokesman Edwin Lacierda na hindi magiging hadlang sa ginagawang imbestigasyon sa PNP chief ang pagiging malapit nito kay PNoy.
Inakusahan si Purisima ng plunder, graft at indirect bribery sa Ombudsman ng Coalition of Filipino Consumers dahil sa milyong halaga ng properties nito sa Nueva Ecija bukod sa ipinatayong White House nito sa loob ng Camp Crame na mula umano sa donasyon.
Kinuwestyon din ng grupo ang lumitaw na Statement of Assets, Liabilities and Net worth (SALN) ni Purisima sa Civil Service Commission (CSC) kung saan ay ipinapalagay nilang under valued ang nakasaad ditong ari-arian kabilang ang multi-milyong halaga ng rest house ng PNP chief sa San Leonardo, Nueva Ecija.
Maging ang Senado ay nais busisiin ang SALN ni Purisima at pinapaharap ang PNP chief sa kanilang imbestigasyon.
Siniguro naman ng tagapasalita ng PNP na sasagutin at haharapin ni Purisima ang mga alegasyon dito sa tamang venue.