MANILA, Philippines – Patuloy ang pagdepensa ni Pangulong Benigno Aquino III kay Philippine National Police (PNP) director general Alan Purisima mula sa mga akusasyong may hindi maipaliwanag na yaman ang opisyal.
Sinabi ni Aquino na matagal na niyang kilala si Purisima at kahit kailan ay hindi niya ito nakakitaan ng pagiging gahaman sa salapi.
"Hindi ko nakita itong taong ito na maluho, matakaw," pahayag ni Aquino sa mga mamamahayag sa New York.
Kaugnay na balita: PNoy 'di sisibakin si PNP Chief Purisima
Nagsimula si Purisima sa Presidential Security Group ng ina ni Aquino na si dating Pangulong Corazon Aquino noong 1987.
Kasama ng kasalukuyang Pangulo si Purisima nang paulanan sila ng bala noong 1987 at masuwerteng nakaligtas.
Marami ang nananawagan sa Pangulo na kasuhan niya ang mga hindi tapat na kaalyado ng administrasyon.
Sinisisi din si Purisima sa paglaganap ng mga pulis na nasasangkot sa krimen.