Sandigan Justice sinibak ng SC!
MANILA, Philippines – Pinatalsik sa pwesto ng Korte Suprema si Sandiganbayan Associate Justice Gregory Ong na itinuturong konektado sa tinaguriang pork barrel scam queen na si Janet Lim-Napoles.
Hinatulan si Ong na guilty sa gross misconduct, dishonesty at impropriety.
Walong mahistrado ang nagbigay ng hatol na dismissal kay Ong, lima ang gumiit ng suspensyon, habang dalawa ang nag-inhibit sa deliberasyon.
Kasabay ng pagkatanggal sa pwesto, aalisan din si Ong ng lahat ng retirement benefits.
Bago pa man sumambulat ang multi-bilyong pork barrel scam, kinasuhan na si Napoles sa Sandiganbayan matapos umanong tumanggap ng kickback sa pagbili ng 500 Kevlar helmets noong 1998 para sa Philippine Marines. Gayuman, inabswelto si Napoles ng Sandiganbayan Fourth Division na pinamumunuan ni Ong.
Ipinag-utos ni Chief Justice Maria Lourdes Sereno noong nakalipas na taon ang pagsasagawa ng imbestigasyon laban kay Ong matapos ilang beses mabanggit ang pangalan nito sa pagharap ng mga whistleblower na sina Benhur Luy at Merlina Suñas sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee sa pork barrel scam.
Sabi nina Luy at Suñas, dalawang beses nagpunta si Ong sa tanggapan ni Napoles matapos nitong ilabas ang desisyon na nagpapawalang-sala sa umano’y utak ng pork barrel scam.
Ayon pa sa dalawang whistleblower, tumanggap ang mahistrado ng Sandiganbayan ng 11 tseke mula kay Napoles na nagkakahalaga ng P3.1 milyon.
Samantala, ikinatuwa ng Malacañang ang naging desisyon ng SC na pagsibak kay Ong. (Dagdag ulat ni Rudy Andal)
- Latest