Sakahan, palaisdaan ipaseguro sa PCIC – Palasyo

MANILA, Philippines - Hinimok ng Malacañang ang mga magsasaka at mangingisda na ipaseguro sa Philippine Crop Insu­rance Corporation (PCIC) ang kanilang pananim at sakahan gayundin ang palaisdaan lalo ngayong panahon ng bagyo at kalamidad.

Sinabi ni Agriculture Sec. Proceso Alcala, mahalaga na maipaseguro sa PCIC ang mga pananim at palaisdaan upang hindi naman malugi ang mga magsasaka at mangingisda kapag tinamaan sila ng bagyo, kalamidad o baha.

Ayon kay PCIC president Atty. Jovy Bernabe, ma­liban sa pananim na palay at mais ay puwede ring ipa­seguro sa kanila ng mga magsasaka ang iba pang crops tulad ng cacao, niyog at iba pang high value crops.

“Ito po ay para sa proteskyon ng magsasaka sa pagkalugi. Typhoon, droughts, plant diseases and pest infestation can always place the farmers’ investment in jeopardy. Kahit paano, iba yung may pagbabawian pagkatapos ng bagyo, peste o anumang kalamidad,” paliwanag naman ni Sec. Alcala.

Wika naman ni Atty. Bernabe, tumaas ng 400 percent ang coverage ng PCIC mula 2010 hanggang 2013 kung saan ay nasa 743,89 na magsasaka at mangingisda ang nakatanggap ng benepisyo kumpara sa 10,97 noong 2010.

Idinagdag pa ni Bernabe, upang lalong mahikayat ang mga magsasaka at mangingisda na ipaseguro sa PCIC ang kanilang pananim at lupain ay ibinaba nito ang premium sa pamamagitan ng government subsidies bukod sa pinabilis ang proseso ng pagbabayad sa crop insurance claims ng apektadong magsasaka at mangingisda sa loob lamang ng 20 araw.

 

Show comments