MANILA, Philippines – Darating na sa bansa ang 84 miyembro ng 7th Philippine Contingent mula sa Golan Heights matapos ang kanilang misyon dito.
Ayon kay Armed Forces of the Philippines (AFP) spokesman Lt. Col. Ramon Zagala, ang ikalawang batch ng 7th Pinoy contingent sa Golan Heights ay maaring dumating kagabi sa may NAIA Terminal via commercial Korean air. Sasalubungin ito ni AFP Chief Gen. Gregorio Pio Catapang.
Ang unang batch na 244 peacekeepers ay dumating noong Biyernes.
Ang 7th Philippine Contingent sa Golan ay nakipagsagupa sa Al-Qaeda na kasapi ng Syrian rebels makaraang tangkain ng huli na i-takeover ang okupadong lugar ng mga Filipino sa Positions 68 at 69 sa bahagi ng Syrian Golan Heights.
Ipinakita ng mga sundalong Pinoy ang kanilang tapang at commitment nang lumaban ang mga ito sa mga rebelde kahit na nakuha na ng mga huli ang positions ng mga Fijian peacekeepers.
Dagdag ni Zagala, ang nasabing personnel at kanilang pamilya ay bibigyan ng heroes’ welcome dahil sa kanilang katapangan at commitment, habang hinaharap ang banta sa kanilang buhay.