Nasawi kay Mario pumalo sa 10
MANILA, Philippines – Pumalo na sa 10 katao ang nasawi sa pananalasa ng bagyong Mario.
Ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council kahapon, alas-6 ng umaga kahapon, pito ang nasawi sa pagkalunod habang dalawa ang nakuryente at isa ang nabagok ang ulo.
Pito pa ang naitalang sugatan dahil kay Mario at ginagamot sa iba’t ibang ospital sa kanilang nasasakupan.
May kabuuang 118,188 pamilya o 840,368 indibidwal naman ang naapektuhan ng bagyo sa Regions 1, 2, 3, 4-A, 4-B, 5, 7, CAR at NCR, at halos 42,900 pamilya pa ang nananatili sa 379 evacuation centers.
Umabot naman sa mahigit P144 million ang napinsala sa agrikultura at imprastraktura. Habang nasa 600 kabahayan ang nasira kabilang ang 10 bahay na tuluyang nawasak.
Sa kasalukuyan, nasa 75 na kalsada at tatlong tulay ang hindi madaanan ng mga sasakyan dahil sa landslide at baha.
Binanggit naman ni NDRRMC Executive Director Usec. Alexander Pama na patuloy pa rin ang relief operations sa mga naapektuhan ng bagyo.
Samantala, tuluyan nang humina ang bagyong Mario habang patungo ito sa Southern part ng bansang Taiwan.
- Latest