MANILA, Philippines – Maaaring sumunod ang mga indigenous o katutubong grupo sa Cordillera Administrative Region at iba pang rehiyon sa Pilipinas sa paghingi ng ganap na awtonomiya kapag napagtibay ang panukalang Bangsamoro Basic Law ng administrasyong Aquino.
Ito ang babala kahapon ni 1st District Isabela Rep. Rodolfo “Rodito” Albano III kaya hinihiling niya sa mga kapwa niya mambabatas na maingat na pag-aralan at repasuhin ang bawat probisyon ng panukalang BBL.
Si Albano ay miyembro ng House Minority Bloc at lantarang tagasuporta ng pangmatagalang pagsisikap ng pamahalaan na magkaroon ng pangmatagalang kapayapaan sa Mindanao.
Gayunman, isiniwalat ni Albano na ang mga lider ng mga tribong minorya at civil society group sa Cordillera ay seryosong tinututukan kung paano haharapin at pagtitibayin ng Kongreso ang BBL.
“Nakatanggap ako ng mga report na seryosong pinag-aaralan ng Cordillera Administrative Region ang legalidad ng paghingi ng ganap na awtonomiya mula sa sentrong gobyerno kapag pumasa ang BBL,” sabi pa ni Albano. “Hindi kami magtataka kung hihingi na rin ng ganap na awtonomiyang tulad ng tatamasahin ng mga Muslim sa Mindanao ang mga katutubong grupo na marami nang siglong namuhay sa Cordillera kapag napagtibay ang BBL bilang ganap na batas.”
Kasabay ng babalang ito, nanawagan si Albano sa lahat ng mga mambabatas na busisiing mabuti ang bawat laman ng burador ng BBL para matukoy ang ligalidad nito at kung alinsunod sa Konstitusyon dahil magiging makasaysayang batas ito kapag napagtibay.
Bumubuo sa CAR ang mga lalawigan ng Abra, Apayao, Benguet, Ifugao, Kalinga at Mountain Province; at ng regional center – ang Baguio. Saklaw nito ang karamihan ng lugar sa loob ng kabundukan ng Cordillera Central sa Luzon.
Idiniin ni Albano na maraming ligal na kuwestiyon ang naipukol laban sa panukalang BBL na kapag napagtibay bilang ganap na batas ay magbibigay-daan sa pagtatag ng Bangsamoro autonomous region na papalit sa ARMM (Autonomous Region for Muslim Mindanao) na ayon kay Pangulong Aquino ay isang bigong eksperimento.