PNoy nasa Boston na

Sinalubong si Pangulong Aquino ni Defense and Armed Forces Attache Capt. Elson Aguilar nang dumating sa Boston Logan International Airport sa Boston, Massachusset, USA. (Malacañang Photo)

MANILA, Philippines – Nasa Boston na si Pangulong Noynoy Aquino para sa kanyang 5-araw na working visit sa Estados Unidos.

Dumating ang dele­gasyon ng Pangulo dakong 8:30 kahapon ng umaga (Sabado ng gabi sa Amerika) sa Boston Logan International Airport mula sa pitong araw na pag-iikot sa Europa.

Itinuturing na sentimental ang pagbisita ng Pangulo sa Boston dahil doon tumira ang kanyang pamilya noong 1980 hanggang 1983.

Ito rin ang kauna-unahang pagbalik ni Aquino sa Boston mula 1983.

Inaasahang bibisita siya sa dating bahay sa #175 Commonwealth Avenue, Chestnut Hill. Bagama’t naibenta na ito, handa naman ang magkapatid na Malloy na bagong may-ari na salubungin si PNoy.

Kabilang sa haharapin ng punong ehekutibo ang malalapit na kaibigan ng kanilang pamilya, talum­pati sa Boston College at pakikipagkita sa Filipino-American community.

Sa US, muli ring manghihikayat ng mga negos­yante ang Pangulo para mamuhunan sa bansa.

Una nang binisita ni PNoy ang Spain, Belgium, France at Germany kung saan mahigit $2 bilyong halaga ng investment ang iuuwi ng Pangulo matapos ang pakikipagpulong sa mga negosyante sa Europa.

Ayon sa Pangulo, kabuuang 19 kumpanya ang nakausap ng kanyang delegasyon at pinuri ng mga ito ang economic performance ng Pilipinas.

Lilikha anya ito ng mahigit 55,000 trabaho sa bansa.

Show comments